PARIS – Sobrang kasiyahan at Pinoy pride ang naramdaman ng mga Pilipino sa Paris sa back-to-back gold medal ni Carlos Yulo sa gymnastics nitong weekend sa Paris Olympics 2024.
Naghintay ang mga Pilipino sa Paris ng mahigit tatlong oras sa gate ng Bercy Arena para makita at mabati si Carlos Yulo sa pagkakapanalo niya ng ikalawang Olympic Gold sa vault category ng gymnastics.
Super saya ang lahat sa pagkakataong makapagpa-selfie at autograph sa Golden Boy ng Pilipinas at anila, sulit ang kanilang paghihintay.
“I’m so glad, napaka-simple niya. Napakabait niya.Nagpapasalamat ako at pinirmahan niya ako,” sabi ng isang Pinoy sa Paris.
“Sobrang saya po at sobrang suwerte at nandito po (kami) sa Paris at ma-witness ang pagkapanalo ni Carlos Yulo ng ikalawang ginto,” sabi ng isang Pinoy sa Paris.
“We are so happy and very proud of his achievement! Very well deserved! Nakapakaraming pinaghirapan niya at nakakatuwa na nagbinbigay siya ng karangalan sa Pilpinas. Sobrang proud! Talagang nakaka-proud sa buong mundo na nasa Paris ngayon,” sabi ni Jennifer at Libeth San Diego, mga supporter ni Yulo mula Manila.
“I have been a fan of artistic gymnastics, I love you so much. You have done really good,” sabi ng isang Pinoy sa naninirahan ngayon sa Europe.
Pero bago ang back-to-back na laban ni Yulo nitong weekend. Dinagsa ng mga Pilipino ang special Mass noong August 1 na ginanap sa Eglise Sainte Marie Madeleine sa Place de La Madeleine.
Ito’y bahagi ng Holy Games na inorganisa ng Archdiocese ng Paris para sa Paris Olympics 2024.
Sa simbahang ito, araw-araw sa dalawang linggo ng Olympic Games merong foreign community na mag-sponsor ng misa para sa kanilang atleta na kinakatawan ang kanilang bansa.
Ayon sa officiating priest na si Fr. Leo Balaguer malaking bagay ito para sa mga atleta.
“Yung misa po natin ay para sa mga atleta para manatili silang malakas at may malusog na pangangatawan sa haba at duration ng Olympic games,” sabi ni Fr. Leo Balaguer, Chaplain, Filipino Mission sa France.
Ang Misa ay dinaluhan ni Philippine Ambassador to France na si Junever Mahilum-West na nagbigay ng menshae para sa mga atleta, Philippine Olympic Committee President Bambol Tolentino, mga association at organization at buong Filipino community.
“Sa athletes po natin maraming maraming salamat po, proud po kami sa inyo kahit na kokonti lang nakuha natin pero laban lang Pilipinas,” sabi ni Lei Adona, Pinay sa Paris.
“Alam naman po natin na binigay nila ang best nila, so matalo o manalo we’re still proud of you,” sabi ni Diego Penapel, Pinoy sa Paris.
Pagkatapos masungkit ang gold medals ni Yulo, tila kumbinsido ang paring si Fr. Balaguer na napakinggan ang dasal nila.
Sa social media, buhos din ang suporta at pasasalamat ng mga Pilipino sa karangalang ibinigay ng gymnastics superstar at ngayon, double gold winner ng Olympics na si Carlos Yulo.
Sa live na panayam ng ABS-CBN News nitong Lunes, August 5, kay Yulo na ipinalabas sa TV Patrol, sinabi niyang todo rin ang pasasalamat niya sa suporta ng fans at mga kakababayan. Sabi rin ni Yulo, hindi niya magagawa ang tagumpay nang mag-isa at lahat daw ito galing sa Diyos.
Ibinahagi rin niya ang araw-araw na pagdarasal bago ang kanyang laban.